Linggo ng Wika, ipinagdiwang!

Dinaluhan ng mga mag-aaral, kaguruan, at kawani ng Lourdes School Quezon City ang pampinid na programa sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika noong Setyembre 06 sa Blessed Jose Maria de Manila Covered Courtyard.

Sa pangunguna at organisasyon ng departamento ng Filipino sa pamumuno ni Gng. Rola Urmaza, Filipino Coordinator, ipinamalas sa programa ang mga tradisyonal na kasuotang Filipino at angking talento ng mga piling mag-aaral, kawani, kaguruan, at mga magulang.


Sinimulan ito ng panimulang panalangin na pinangunahan ni G. Edward Dunhill Chico, guro sa research ng SHS, at siyang sinundan ng pag-awit ng pambansang awit sa pangunguna ni Bb. Myla Belalo, guro ng Araling Panlipunan para sa ika-9 at 10 na baitang.

Pagkatapos, ay nagbahagi ang Vice-Rector ng paaralan na si Rev. Fr. Jose Eduardo Mayo OFM Cap. ng pambungad na pananalita na sinundan ng pagbabalik tanaw sa mga naganap sa kasagsagan ng Linggo ng Wika sa pangunguna ng Assistant Principal for Academic Affairs ng K-10 na si Gng. Cecilia Toledo.

Ang unang nagtanghal sa programa ay sina G. Pio Martin Genzola, guro sa asignaturang Musika, at Bb. Cheyenne Mangaliman, Student Activities Coordinator, na nagbahagi ng awiting ‘Kahit Ayaw mo na’ na sinundan ng orihinal na likhang spoken word poetry. Matapos nito ay nagbahagi muli ang dalawa sa pagkanta nila ng awiting ‘Tuloy Pa Rin.’

Hindi rin nagpatalo ang Family Council na nagpakita ng galing nila sa pagsasayaw. Ito ay sinundan ng munting tula na handog ng mgapiling mag-aaral sa baitang 7 at 8kasama ang kanilang guro sa Filipino na si Bb. Bea Patricia Sibayan. 

Naghandog naman ang ilang mag-aaral sa baitang 9 at 10 ng inihanda nilang tradisyonal at modernong sayaw sa tugtuging Pilipino kasama ang kanilang guro sa Filipino na si Bb. Angelica Rosales.

Ang mga mag-aaral mula sa Senior High School na pawang mga kalahok ng patimpalak na Himig Filipino ay naghandog ng kanilang rendisyon ng awiting ‘Isang Dugo, Isang Lahi, Isang Musika.’

Nagpamalas din ng galing ang mga Non-Teaching Personnel na inihandog ang kantang “Tayo’y Magsayawan’ sa komunidad, na siyang sinundan ng solong pagkanta ni G. Aaron John Moriones, guro ng Matematika para sa ika-6 at 7 na baitang.

Matapos ang lahat ng pagtatanghal ay pinangunahan naman ni Gng. Corazon Yap, punong-guro, ang pangwakas na pananalita, na sinundan ng pag-aanunsyo ng mga nanalong best costume sa bawat klaster. Winakasan ang programa sa pampinid na panalangin na pinangunahan ni G. Jonathan De La Cruz, guro ng Agham para sa ika-7 at 9 na baitang.

Matapos ang programa, ay nagkaroon ng munting salusalong Pransiskano ang mga mag-aaral sa JHS; habang sa ganap na ika-08 ng Setyembre, Biyernes, naman gaganapin ang salusalo para sa mga nasa SHS.

Isinulat ni JB Castillo